hindi ako titingin sa dalawang
banyagang naglalakad sa Mabini, Ermita
Jenny B. Orillos
Lulan ako ng isang dyip
biyaheng Sta. Cruz
katabi ng mamang kulay lupa
ang makinis na balat
nang mapansin namin pareho
ang isang pares ng estranghero—
pareho silang matangkad,
mala-rosas ang balbuning balat,
kulay mais ang mahabang buhok,
naka-salawal at may bitbit sa likod
na backpack ang isa
at naka-sarong at sandalyas naman
ang kanyang kasama..
Sinundan sila ng tingin
ng ibang pasahero.
Sumigaw ang mama, “Hey, Joe!”
Napatingin ako sa aking paa.
MUSIKERO
Pista na naman ng mga santo
Kaya’t maghapon kang maglalako ng
musika
mula sa lumang gitara,
kinakalawang na silindro,
barumbadong tambol o takip ng kaldero.
Aawitin mo ang mga kantang
di maririnig sa radyo
pagkat ito’y natutuhan mo lamang
mula sa gutom na tiyan.
Dinadasal mong sana’y
maantig man lamang
ang tainga ng bawat makarinig
at ambunan ka ng kahit
ilang pirasong grasya.
Hindi mo alintana
ang saradong tarangkahan
ng kanilang pagtitiwala.
Kapwa kayo hihingi ng tawad sa isa’t
isa—
ikaw sa dala-dala mong abala,
sila sa kawalan ng kakayahang
masuklian ang inaalok mong
hindi naman nila hiningi.
|